Ang Alamat ni Nurse Sungit

1881

Bakit ba ang daming nurse na akala mo’y wala ng bukas kung magsungit?

Ewan ko ba. Nursing graduate ako pero hindi practicing nurse dahil mas ginusto kong ipagpatuloy ang matinding hilig ko sa pagsusulat. Kaya hindi ako ang ekspertong sasagot sa tanong sa itaas. Kasi nga, hindi ako staff nurse. Pero sabi nila, nasa kultura na daw ng mga nars sa Pilipinas na mag-iba ng ugali sa sandaling pumasok na sa masalimuot na mundo ng pagiging staff nurse. ‘Yun tipong mala-anghel ka pagkagraduate mo sa Nursing tapos mageevolve ka sa isang ubod ng sungit na nars pagtagal ng panahon. Parang pokemon lang ‘di ba? Ganun ba talaga yun? Parang hindi naman kapani-paniwala. Kaya ka nga naging nars dahil gusto mong mag-alaga ng may sakit at maglingkod sa mga mahihirap na nangangailangan ng kalinga ‘di ba? Tapos magtataray ka lang sa kanila? Ano connect?

Sa aking pagsasaliksik, napadpad ako sa isang online forum na may pinag-uusapang akmang-akma sa hinahanap ko:

Bakit Mga Suplada Na Ang Mga Nurses Ngayon????

Binasa ko ang iba’t-ibang kuro-kuro ng mga tao doon na nagbabatuhan ng kani-kanilang mga opinyon tungkol sa topic. Aaaminin kong natawa, nabwisit, at napukaw ang damdamin ko dahil sa ilang pahayag na nabasa ko. Ngunit nalaman ko na ngayon kung bakit may mga nars na ubod ng sungit……ang alamat ni Nurse Sungit. Ito ang mga sinasabing dahilan ng pagevole ng isang nars:

1. Ang mga nars ay Overworked, Underpaid at madalas (katulad sa panahon ngayon), Overworked, UNPAID!!!! – Kahit naman inis na inis ako sa mga nars na nagmamaldita sa mga pasyente (lalo na sa mga government hospitals), hindi ko rin naman sila masisisi kung magsungit sila ng todong todo. Bakit naman hindi? Bugbog na nga katawan mo sa trabaho, pinagagalitan ka na ng doktor, tapos meron pang mga pasyenteng pala-utos at feeling mayaman na akala mo kasama sa binabayaran nila ang service mo. Para malaman po ng lahat, KAWANG-GAWA lang po ang ginagawa ng mga nurse lalo na ‘yung mga volunteers, mga nars na nagbayad pa ng training fees imbis na sila ang bayaran, at mga contractual nurse (kagaya ng sa RNHEALS) na akala mo may trabaho na pero kulang pa rin ang sweldo tapos lagi pang delayed. Hindi po utusang-de-pindot ang mga nars. Subukan mo kayang magtrabaho ng walang bayad tapos 12-hours pa ang shift mo sa isang ospital na may 1:50 nurse-patient ratio? Kung unang sabak mo pa lang, malamang¬† may empathy ka pa sa pasyente, pero ‘pag ilang taon ka ng burn-out, ibang usapan na ‘yun kapatid! Kahit naman siguro sino magsusungit ‘di ba? TAO lang po kaming mga nurse at may mga sariling pangangailangan din. E kung 200,000 a month lang naman ang ibabayad sa akin, kahit 50 pwet pa ang linisin ko wala akong care..ngingitian ko pa kayo.

2. Mga doktorang nagmamaldita/ doktor na sobrang demanding/ doktor na nananantsing/pilosopong doktor – ‘Langya, dito lang sa ‘Pinas mo makikita kung gaano kalayo ang agwat ng nars sa doktor. Sa Amerika, parang doktor na rin ang turing nila sa mga nars. Hindi tulad dito na nakagapos pa din ang ilang doktor sa maling stereotype na “katulong LANG ng mga doktor” ang mga nars. Bakit? Nag-aral din naman tayo ng 4 year-bachelor’s degree ha? At saka, lahat ba ng mga doktor magaling? Katulad sa Nursing, marami din dyan ang tatanga-tanga. Isa pa, isang beses lang nilang nakikita ‘yung mga pasyente nila sa isang araw ‘pag nagrarounds sila, e tayo? BUONG stay nila sa ospital, mukha natin nakikita nila at tayo halos gumagawa. Kaya sa mga nars dyan, ipaglaban nyo ang propesyon natin. Hindi sa lahat ng panahon TAMA si Dok.

3. Mga pasyenteng feeling ANAK NG DIYOS – Sana lang malaman ng mga pasyente na TAO rin po ang mga nars at hindi ROBOT. Sabi nga nila, ang makina nga nagloloko kapag sobrang gamit eh, tao pa kaya? Tayo pa kaya? Sa dami ba naman ng pasyente, hindi sa lahat ng oras ay masusunod ng nars ang mga hiling ng pasyente. Maalala sana nila ang kahulugan ng salitang PRIORITY para maintindihan nilang kailangang unahin ng nars ang pasyenteng naghihinalo bago palitan ng diaper ang kamag-anak nilang natae. And besides, hindi ba nila kayang palitan ng diaper ang kamag-anak nila. Kaya nga sila nandoon ‘di ba? Hindi naman tayo nagsunog ng kilay para maging alila at maging “taga-linis ng pwet” gaya ng akala nila. Ang Nursing po ay isang special field at hindi synonymous sa “taga-linis ng pwet”. Kung gusto nilang ituon ang lahat ng atensyon sa pasyente nila, alamin nila ang pagkakaiba ng salitang staff nurse sa PRIVATE NURSE. Respeto lang po at konting pag-unawa ang hinihiling namin.

Alam kong may mga nars talaga na masungit at bastos makipag-usap sa pasyente. Karamihan makikita mo sila sa mga pampublikong ospital kung saan mismo ang doktor ay parang hindi na “tao” ang turing sa mga pasyente. Kung sigawan at sungitan sila parang ganun na lang. Kahit naman ako, maiinis sa mga nars na walang modo at respeto sa mga pasyente. Lalo na ‘yung mga akala mo kung sinong maganda. Ewan ko ba kung bakit kung sino pa yung mga mukhang pwet ng manok ay sila pa ang may ganang magtaray. Mapapaaway talaga ako ‘pag ganun.

Sa kabilang banda, hindi naman po lahat ng nars ay masungit. Meron pa rin namang mga mababait at may respeto sa pasyente. ‘Yun nga lang, sana maintindihan nila na TAO lang ang mga nars na may mga sariling pinagdadaanan sa buhay. Hindi porket nagsungit sya ng isang beses ay masama na sya. Respeto lang at pag-unawa sa isa’t-isa ang kailangan natin para umayos ang buhay.

Marahil nakasalamuha mo na si Nurse Sungit. Ito ang kanyang alamat. Sana naiintindihan mo na sya.